Wednesday, January 23, 2013

Ang Kapalaran ng Umaasa


Nang natapos na ang pelikulang “Les Miserables” at nagliwanag na muli sa sinehan, humarap sa akin ang kaibigan ko at sinabing "Nakita mo yun? Yung umasa, namatay!” At sumagot naman ung isang ko pang kaibigan ng “Oo nga!  Tapos kung sino pa ung nagpaasa, un pa ang nabuhay at naging masaya sa huli? Unfair din noh?” Sa sinabi nilang un, napaisip ako, napabuntong-hininga at nasabi na lang sa sarili na baliw talaga ang mga kaibigan ko. Pero baliw man sila, di mapapagkakaila na tama naman sila.

Katulad na lang ng isang grupo ng mga binata na namatay sa kanilang pagngahas magsimula ng rebolusyon, inakala nila na makikiisa sa kanila ang mga tao pero huli na ng malaman nila na sila lang pala ang lumalaban.  Katulad din ni Eponine na namatay matapos saluhin ang bala na para sana kay Marius na matagal na nyang iniibig. Nang matapos ang rebolusyon, ikinasal ang binata sa isang babae na hindi pa nya gaano kakilala. Unfair lang noh? Nakakainis! Yan nga ang siguro ang tadhana ng mga taong umaasa -- nasasaktan at namamatay.


Bakit marami pa din ang umaasa kahit alam na naman natin ang maaaring kapalit nito? Na sa kabila nito marami pa din ang umaasa na magkakaroon ng magandang buhay, ng maayos ang gobyerno, ng magandang trabaho o ng tunay na pagmamahal. Kasi naniniwala tayo sa magandang bukas, na pagkatapos ng unos may nag-aabang na bagong liwanag, na sa bawat suntok ng buhay may kapalit na tagumpay. Napakamakapangyarihan ng pag-asa sapagkat eto ang nakakapagbigay loob sa atin na lumaban at hindi sumuko. Sabi nga nila diba “Habang may buhay may pag-asa”? Totoo ba talaga eto o nagpapaasa lang? Naniniwala ako na sa ating buhay hindi dapat tayo nawawalan ng pag-asa, pero may nag-iisang aspeto sa ating buhay kung saan hindi dapat umasa sa ‘pag-asa’ at kung saan minsan mas nakabubuti pa ang mawalan ng pag-asa at tanggapin na lang na hindi lahat ng pinapangarap mo, kahit gaano mo pa eto pinaglaban at pinaghirapan, ay mapapasayo - at ito ay ang Pag-ibig. *buntong-hininga* 


No comments:

Post a Comment